◂Aldrin Villegas
Mahirap pagsabayin ang pagsusulat sa Kulê at pag-aaral ng Economics. Halos magkasalungat ang pananaw ng dalawang ito, kaya naman laging nagtatalo ang manunulat at estudyante sa loob ko. Kung paanong namamayani ang kontradiksyon sa ating lipunan, gayon na rin yata ang naging karanasan ko sa loob ng halos apat na taon ko sa unibersidad.
Kung tutuusin, halos parehong mga isyu ang tinuturol ng Kulê at pinag-aaralan sa Economics. Nariyan ang iba’t ibang sektor ng lipunan, ang likas na yaman ng bansa, ang krisis sa ekonomiya, at kung anu-ano pang mabibigat na usapin na marahil mababasa mo kay Samuelson o sa mga pahina ng Lathalain.
Sa semestreng ito halimbawa, kumuha ako ng Agricultural Economics. Katatapos lang namin sa talakayan sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Batay sa mga datos, malinaw ang kabalintunaang agrikultural na bansa ang Pilipinas subalit karamihan sa mga mahihirap ay magsasaka.
Sa pagsusulat ko naman sa Kule, nabibigyan ng mukha ang mga araling tulad nito. Noong nakaraang Disyembre, nakipamuhay kami sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita na sa mahabang panahon ay pinagkaitan ng pagmamay-ari sa lupa. Sinubaybayan ko ang kanilang kwento mula unang taon ko sa Kule, kung kailan nababakuran pa ang Hacienda. Sa pagbalik ko makalipas ang apat na taon, binuwag na ang mga pader at nakapagsasaka na sila sa sariling lupa.
May mga pagkakataong nagkakasundo ang ako na Kule writer at ako na Economics major. Sa usapin halimbawa ng pagmamay-ari sa lupa, tinatalakay sa Kule ang karapatan ng magsasaka sa matagal na nilang sinasakang lupa. Pagdating sa Economics, tinitingnan bilang insentibo ang pagmamay-ari sa lupa para maging mas produktibo ang magsasaka dahil sa kanya napupunta ang buong kita.
Liban sa mga ganitong pagkakataon, laging magkatunggali ang aking dalawang mundo. Malinis ang pagpapalagay ng Economics sa malayang merkado, na kaya itong isalba sa mga pagkakataong ito ay pumapalya. Sa kabilang banda, nakikita ng Kule ang mga krisis at kontradiksyon na nililikha ng konsumerismo at ng namamayaning sistemang kapitalismo.
Kaya naman pagdako ng aming klase sa usapin ng palisiya sa agrikultura, maraming teorya ang sumusuporta na dapat tunguhin ang market-oriented sa halip na subsistence-oriented na pagsasaka. Kailangan ng kita ng mga magsasaka, lalo na ng reserba at panangga sa panahon ng kalamidad. Sa rasyunal na pagtingin ng Economics, makakamit ito sa pamamagitan ng liberalized sa halip na protectionist na palisiya.
Nangangahulugan ang pagliberalisa ng pagpasok ng mas murang produkto mula sa ibang bansa. Makikinabang ang mga mamimili sa mas mababang presyo at makatutulong ang pagtaas ng pagkonsumo sa paglago ng ekonomiya. Ngunit maaapektuhan naman ang mga lokal na prodyuser ng palay dahil hindi nito kayang makipagsabayan sa kumpetisyon.
Kasabay ng pagbabawas ng proteksyon, pagtutuunan ng pansin ang mga produktong may “comparative advantage” tulad ng saging at kape sa halip na bigas. Sa mahabang panahong inilalaan ang malaking badyet sa bigas, bakit nga naman kalabaw pa rin sa halip na traktora ang katuwang ng magsasaka?
Tinanong kami ng aming propesor: “Agriculture for whom?” Kung tatahakin man namin ang pagiging ekonomista at paggawa ng palisiya, malinaw dapat ang aming sagot. At sa pagtuklas ng kasagutan, hindi sasapat ang mga leksyon sa airconditioned classroom, ang pagbabasa ng textbook, ang pagsusuri sa estadistika.
Rekisito ang pagpunta at pagkilala sa kundisyon ng sektor na primaryang maaapektuhan ng polisiya. Sa linyang ito nagkakatalo ang isang ekonomista ng bayan at isang “ivory tower economist.” Madaling maghain ng polisiya, subalit lubhang mahirap tingnan sa mata ang mga apektado kapag ito ay pumalya.
Kaya naman mainam na rin siguro na ipinagpatuloy ko ang pagsusulat sa Kulê kasabay ng pag-aaral ng Economics. Dahil sa pagharap sa mga kontradiksyon, napapatalas ang suri at nagagawa ang pagpili. ◂
The post To Write is Already to Choose appeared first on Philippine Collegian.