Ito ang panahon ng pagbabalik-tanaw at paglakad pasulong.
Sa loob ng dalawang taon, nagpatuloy ang tradisyunal na pagtangan ng Philippine Collegian sa isang uri ng pamamahayag na hindi popular sa marami. Buong tapang itong nakisangkot sa laban ng mga mag-aaral at ng mamamayan sa labas ng pamantasan, at tinasa ang mga palisiya ng nagdaang administrasyon na nagkait ng pamantayang serbisyo sa iba’t ibang sektor.
Laman ng mga pahina ng Collegian ang lantarang pagturing ng termino ni dating Pangulo Benigno Aquino III sa edukasyon bilang isang produkto sa halip na karapatan ng kabataan. Inilunsad nito ang programang K-12 sa kabila ng oposisyon mula sa estudyante at kaguruan, kung saan dinagdagan ng dalawang taong pag-aaral ang mga nasa primarya at sekundarya. Tunguhin umano nitong makapaglikha ng murang lakas-paggawa na tutugon sa pangangailangan ng ibang bansa.
Nilayon naman ng kanyang programang Roadmap for Public Higher Education na makapagsarili ang mga pampublikong unibersidad sa pamamagitan ng pagkalap ng sarili nilang pondo, sa anyo ng mataas na matrikula at iba pang bayarin. Makikita ito sa UP sa porma ng Socialized Tuition System na nagkamal ng kita mula sa mga estudyante, at pagkakaroon ng kalahati lamang ng panukalang pondo na ipinapasa nito.
Bakas sa mga larawan ng Collegian ang sunod-sunod na pagkasunog ng mga gusali sa unibersidad katulad ng College of Arts and Sciences Alumni Association Food Center, Alumni Center, at Faculty Center. Kalakip ng bawat larawan ang panawagang bigyang pansin ang paglalaan ng sapat ng badyet sa pagsasaayos ng mga gusali at pagtitiyak sa seguridad ng mga estudyante.
Hindi rin pinalagpas ng pahayagan ang danas ng mga manggagawang kontraktwal sa loob mismo ng UP na nananawagang mabigyan ng sapat na benepiyo at karagdagang sahod mula sa kanilang ahensiyang pinagtatrabahunan. Itinala ng Collegian ang mga nakaambang demolisyon ng mga komunidad sa pamantasan, gayundin ng mga maralitang lungsod na matatamaan ng mga proyektong maglilingkod sa interes ng iilan.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang isyu sa unibersidad, nagawa pang makapaglaan ng kasalukuyang administrasyon ng malaking pondo para sa proyektong Electronic UP (eUP) na tinatayang mangangasiwa ng mga datos sa lahat ng constituent unit ng UP.
Lumipas man ang ilang taon, walang patid na iniulat ng Collegian ang takbo ng kaso ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-pantao gaya ng mga estudyanteng sila Karen Empeno at Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga militar sa Hagonoy, Bulacan noong 2006 at ang patuloy na pandarahas sa mga lumad. Nagpapatuloy ang pagbabakwit ng mga katutubo bunsod ng militarisasyon ng kanilang mga paaralan at mga lupain, at pamamaslang ng kanilang mga pinuno.
Sa bawat artikulo, sa bawat balita, sa bawat dibuho at litratong inilalathala sa pahayagan, buong tapang nitong binabasag ang mito ng obhetibo at anumang porma ng pluralismo.
Hindi kailanman ninais ng Collegian na pasiyahin ang mga mambabasa, kaya marami ang tumutuligsa sa uri ng pamamahayag na pinanghahawakan nito. Ngayong taon, sinubok ang Collegian ng mga isyu tulad ng pagtanggal sa badyet na siyang nagsisilbing buhay nito upang magpatuloy ang operasyon, kakulangan sa miyembro at ang mahigpit ngunit mabagal na palisiya ng administrasyon ng UP sa paghawak ng badyet ng publikasyon.
Sa pagsisimula ng panibagong taon, inaanyayahan ng Collegian ang bawat kabataan na makibahagi sa laban at mandato nitong magbalita at itaas ang kamulatan ng bawat isa hinggil sa mga isyung kinakaharap ng lipunang nangangailangan ng kagyat na tugon. Kahingian ng panahon na maging mapagmatyag ang bawat isa sa mga palisiyang ipatutupad ng bagong administrasyon, kung saan ang lagit’ laging tanong ay “para kanino.”
Dahil higit pa sa pag-uulat at paglalahathala ng mga artikulo, larawan at dibuho, hamon sa mga kabataan ang tumalima sa mandatong bitbitin ang laban sa mga lansangan kasama ang sambayanan.
The post Patuloy na maninindigan appeared first on Philippine Collegian.