ni Eula Cabiling
Magaalas-otso pa lang ng umaga nang ihatid ako ni Tatang sa harap ng College of Arts and Letters (CAL). Unang araw noon ng akademikong taon, at bakas sa mukha niya ang pagkasabik sa pagpasok ko sa UP Diliman kahit pangatlong taon ko na rito. Matapos ang pamamaalam at ilang mga bilin, hinalikan ako ni Tatang sa noo bago bumiyahe pabalik sa Bicol.
Pinabaonan ko naman si Tatang ng matamis na ngiti, ngunit may halong lungkot sa loob-loob ko habang kumakaway sa kanya. Isang semestre ko na naman silang hindi makikita nina Nanang at mga kapatid ko, ilang linggong pagmumuni kung ano ang ginagawa nila kapag bakanteng oras.
Hindi na ako baguhang estudyante kaya’t dapat maging kampante na akong mamuhay mag-isa nang malayo sa magulang. Ngunit ang pagkakataong ito ang isa sa mga ikinakatakot ko-sa sandaling hindi ko nakikita si Tatang, parang nawawalan ako ng pagkakakilanlan sa sarili. Si Tatang ang representasyon ng aking identidad, isang paalaala ng aking pinagmulan.
Noong unang buwan ko kasi sa Diliman, nagulat ako sa takbo ng pamumuhay dito sa syudad. Normal na ang pakakaroon ng mga gadget gaya ng iPhone, pagpasok sa klase sakay ng kotse, pagsusuot ng mamahaling damit at iba pa. Medyo pilit pa nga ang pagpasok ko sa klase noong mga unang linggo, dahil pakiramdam kong mukhang basahan ang suot kong damit kung ikukumpara sa Forever 21 na blusa ng isa kong kaklase sa Physics 10, o hindi kaya ang BNY jeans nang katabi ko sa Comm 3.
Naging mapili ako sa sinusuot ko at dadalhing mga gamit sa UP. Nagsimula rin akong bumili ng mga whitening soaps o anumang pampaputi sa balat, at magkaroon ng alkansya upang pag-ipunan ang pamparebond ng kulot kong buhok. Hiyang-hiya ako sa itsura ko noon at ito ang nakita kong paraan upang maramdamang hindi ako iba sa UP.
Hindi naglaon, napansin ni Tatang ang pagbabago sa akin noong ayaw kong magpahatid sa kanya sa ikalawang taon ko sa UP, dahil baka makita siya ng ilang kaklase ko sa UP. Niyakap na lamang niya ako bago umalis pa-Maynila, hinalikan sa noo bago sinabing “ingat ka”. Nainis ako sa sarili ko noong mga oras na iyon, dahil hindi ko inakala na dumating ang panahon na ikinahiya ko ang panlabas na anyo ni Tatang at ako sa nakararami.
Magmula noon, itinigil ko na ang pagbili sa anumang pampaputi ng kutis at nakontento sa morena at medyo kulot kong buhok. Itinago ko ang alinmang pagaalinlangan sa sarili at hinayaang maging bukas sa pagkakaroon ng mga kaibigang tatanggapin ako nang buo- walang labis walang kulang.
Mahigit 30 minuto na ang lumipas bago ako umakyat sa CAL, matapos magmuni-muni sa ilalim ni Magdangal. Ngiti ang sinalubong ko sa mga taong nadaraanan ko, at maikling pakikipagkamustahan para sa mga naging kaklase at kadamay sa takbo ng buhay sa UP. ■
The post LAKBAY DIWA: Pagpapalit-anyo, pagbabalat-kayo appeared first on Philippine Collegian.