■ Eula Cabiling
Sa totoo lang, para akong nag-eexam sa klase sa tuwing nagsusulat ako sa espasyong ito ng Kulê—tila ito ‘yung fill in the blanks na parteng kailangan kong punan ng mga salita kada isyu, siyempre dapat may katuturan at may mapupulot naman ang mambabasa.
Pero aywan ko ba, gaya nga ng nangyayari sa akin tuwing eksam, palya at halos rant ko sa buhay ang isinusulat ko rito. Sabihin man ng mga senior ko sa Kulê na I can be anything sa mga ipinapasa kong kolum, kung naabutan ko ang mga nakatatandang manunulat sa Kulê ay ito marahil ang maririnig ko sa kanila: walang class, walang sophistication, walang anything ang kolum ko.
Mahal ko ang pagsusulat—mahal ko ang Kulê—pero habang tumatagal ay nararamdaman kong hindi talaga ako binasbasan upang makalikha ng magandang akda. Wala pa ata akong sinulat na maipagmamalaki ko sa Kulê. ‘Yung tumatatak sa mambabasa. ‘Yung mapapa-pakshet ka pagkabasa ng unang linya pa lang. Habang tumatagal, tila nagiging platonic na ang relasyon ko sa mga salita—‘yung pakiramdam na ng pagsulat eh parang pag-inom ng beer na walang yelo, pagkain ng tapsi na walang itlog o pagsayaw ng el bimbo nang walang kang ka-el bimbo.
Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko paminsan-minsan, hindi ko mahanap ang kuwentong nais kong ikuwento sa kabila ng napakaraming puwedeng isulat tungkol sa mga kaganapan sa bansa. Nariyan ang sigalot sa Mindanao, ang patuloy na pang-aapi sa mga magsasaka at manggagawa, usapin ng libreng edukasyon, ang “giyera kontra droga” ng pangulo. Nariyan din ang ibang ordinaryong kuwento na nariyan lang araw-araw pero hindi napapansin, gaya na lamang ng kuwento ni Manong Guard na bumabati sa akin palagi kapag aakyat ako sa Vinzons 401. “Ngunit heto ako’t napag-iwananan ng panahon—nasa gitna ng nagkabuhol-buhol kong emosyon na ‘di ko matantya kung malulusutan ko pa.
Ngunit kahit papaano, may isang bagay na malinaw sa akin: iyon ay ang hindi pagbitiw at patuloy na pagkapit. Siguro, marahil, isa lamang itong yugto sa pagiging isang manunulat—mapapagod ako sa isang banda ngunit paglao’y mahahanap mo ulit ang inspirasyon para magpatuloy sa paglalakbay kahit hindi ako nakatitiyak sa aking destinasyon. Makakaramdam ako ng labis na pangamba at pagkabalisa bunsod ng ibang problemang pasan ko—ngunit lahat ito ay panandalian lamang at lilipas din.
O kaya’y marahil, siguro, isa lamang din ang linggong ito sa mga linggong lutang ako’t pagal ang utak para mag-isip ng kung ano man. ■
The post Fill in the blanks appeared first on Philippine Collegian.