Quantcast
Channel: Opinyon – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 103

Hindi Palulupig

$
0
0

 

lathalain

Mariing kinukundena ng Collegian ang malawakang pang-uusig ng estado sa mga mag-aaral ng iba’t ibang pamantasan sa bansa. Sunud-sunod na naiulat ang pagsikil sa mga organisasyon at pahayagang pang-mag-aaral, habang tumindi ang panghihimasok ng pulisya at militar sa mga pamantasan

Tahasan itong panlulumpo sa makatwirang pagkilos ng mga kabataan. At hindi nalalayo ang kaso ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon (CMC) sa laganap at sunud-sunod na panggigipit na nararanasan ng mga mag-aaral sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kung ang mandato ng CMC ay maging pandayan ng midyang malaya at mapagpalaya, mismong pamunuan ng kolehiyo ang sumusuway dito. Matapos na hindi kilalanin ang dalawang organisasyong pang-mag-aaral, pagpataw ng malaking renta sa mga pasilidad na dati’y libre ang naging tugon ng administrasyon ng CMC sa protesta ng mga estudyante.

Mahalaga ang ginagampanang papel ng mga organisasyon at pahayagang pangmag-aaral sa kasaysayan. Naging lunsaran ang mga ito ng diskusyon ng mga isyu at mga bagong ideya. Aktibong nakikisangkot ang mga miyembro sa iba’t ibang isyu sa loob at labas ng pamantasan—hindi bilang nagsasariling boses kundi bilang bahagi ng mas malaking sektor. Patunay ng kanilang kapasyahan ang kamakailang tagumpay sa laban para sa libreng edukasyon.

Subalit hindi ito kinikilala ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). Matapos nitong tanggalin ang dating rehente ng mag-aaral, ipinasara ang mga opisina at tambayan ng mga organisasyon, sinuspende ang eleksyon para sa konseho ng mga mag-aaral, at nagpataw ang administrasyon ng mga bagong bayarin.

Sinagkaan din ng kanilang administrasyon ang operasyon ng The Catalyst, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng PUP. Parehong kaso ang naitala sa Lyceum of the Philippines (LPU), kung saan planong kontrolin ng mismong pamunuan ng LPU ang pahayagang Independent Sentinel.

Sa panahong pinaiigting ng mga mag-aaral ang kanilang pagkilos laban sa karahasan ng rehimeng Duterte, tumitinding pasismo naman ang tugon ng estado—tulad ng pagpapapasok ng kapulisan sa loob ng mga gusali. Gayundin ang sunod-sunod na pagkakataon na namamataan ang miyembro ng pulisya sa kilos-protesta ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan.

Halimbawa na lamang ang pagtanggap ng pamunuan ng CMC sa ilang miyembro ng pulisya noong kasagsagan ng protesta ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Hayagan itong nakikipagmabutihan sa institusyong kumitil ng libu-libong buhay sa giyera kontra droga, kabilang ang mga kabataang biktima tulad ng dating mag-aaral ng UP na si Carl Arnaiz, at menor-de-edad na sina Kian Delos Santos at Reynaldo De Guzman.

Nagpapatuloy naman ang kaso ng red-tagging sa mga kabataang mag-aaral. Itinuturing na miyembro ng New People’s Army ang mga mag-aaral na sumasalungat sa karahasan ng estado. Ngunit hindi ito hihilinging magkatotoo ng gobyerno, gayong itinutulak ng mga kalagayan ang mga kabataan upang maghimagsik.

Mababakas sa pahina ng kasaysayan na tinumbasan ng paglaban ng mga mag-aaral, organisasyon at pahayagan ang malawakang pang-uusig sa kanila noong panahon ng Batas Militar. At hindi maaaring mag-atubili ngayong hinihingi ng panahon ang pagsiklab ng mga pagkilos.

Unang banta sa diktadura ang radikal na mga ideya at pagkilos ng mga kabataan. Subalit hindi umuugat sa ideyalismo at tanging kamulatan ng mga mag-aaral ang binhi ng paglaban. Bunga ito ng materyal na kondisyon, ng laganap at hindi natatapos na krisis sa lipunan. Hangga’t patuloy na ipinagkakait ang mga karapatan, hangga’t nagpapatuloy ang kaliwa’t kanang pagpaslang, ang kawalan ng hustisya at pananagutan, patuloy na magluluwal ang mga ito ng mga mag-aaral na handang mag-organisa at sumalungat.

Aparato ng estado ang mga pamantasang dapat ay huhubog sa ating kamalayan, kaya nararapat lamang na hindi nakukulong ang edukasyon sa apat na sulok ng konserbatibong silid-aralan. Hindi ganap ang edukasyon kung ito ay hindi  mapagpalaya; walang saysay kung hindi mapagpakilos.

Kung ang kasaysayan ang pinakamahusay na guro, pader ang pisara at lansangan ang silid-aralan, itinuturo ng kasaysayan na walang bumabagsak sa paglaban.  

The post Hindi Palulupig appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 103

Trending Articles