Quantcast
Channel: Opinyon – Philippine Collegian
Viewing all articles
Browse latest Browse all 103

Tambay Hours

$
0
0

Melting Point

Warren Ragasa

Kung hindi ako napipirmi sa Melchor, makikita mo akong nakatambay sa ilalim ng malalaking puno sa Sunken Garden, nagpapalipas ng oras. At dahil wala akong org, nagpapalipat-lipat ako ng tambayan — isang puno bawat araw. Hindi lang dahil sa nakaka-senti ang malawak na damuhan at lilim na hatid ng mga puno sa UP, kundi dahil wala ring makikialam sa trip ko maliban sa mga batang nanghihingi ng barya, o ‘yung mga grupong lalapit para paalalahanan akong mahal ako ng Dios.

Kung lunod na ako sa acads o kung napakagulo na ng daigdig para sakin, gugustuhin ko na lang humilata sa Sunken Garden at pagmasdan ang mga ulap hanggang sa gapangan
ako ng higad. Lahat tayo ay naghahanap ng tambayan, kung saan tayo maaaring lumagay sa “lowest possible energy state,” ang natural na lagay ng uniberso ayon sa Physics.

Kaya nga noong nag-apply ako sa tatlong org (na hindi ko rin naman itinuloy), tambayan ang unang hinanap ko. Maling pamantayan, kung tutuusin, lalo’t dalawa sa mga org ay wala naman talagang matinong tambayan. Sa katunayan, maraming org sa UP ang walang maayos na tambayan.

Bagaman gawain kong tumambay, ito rin ang dahilan kung bakit umurong ako sa lahat ng org na tinangka kong salihan, maliban sa mahirap pa sa application process. Rekisito ang pagtambay ng ilang oras, at kailangang maramdaman ng mga
miyembro ang mala-multo kong presensya.

Sadyang mas gusto ko lang magpamuni-muni tuwing bakanteng oras. Pero sapat na marahil na dahilan ang samahan, kung hindi man tambayan, para sumali sa mga
org kahit pa highest possible energy state ang inaasahan mula sa bawat aplikante.

Bagaman hindi naman talaga kailangan ang org para maging ganap ang karanasan sa UP, mahalagang bahagi ito ng buhay ng maraming Iskolar ng Bayan. Nagiging
bahagi sila ng mas maliit na komunidad sa UP, kung saan sila maaaring maging sila, habang binibigyang-diin ang mas malaking tungkulin ng bawat organisasyon sa lipunan.

Pero sa Maskom, may dalawang org na hindi kinilala ng kanilang kolehiyo dahil sa manwal ng unibersidad na pinaiiral nito sa mga organisasyon. Dahil dito, nanganganib
na mapaalis sila sa kanilang mga tambayan.

Bilang protesta, binawi ng mga organisasyong pangmag-aaral sa Maskom ang kanilang dokumento ng pagkilala mula sa administrasyon ng kolehiyo. Ngunit sa halip na
pakinggan ang mga mag-aaral, ang sagot ng kolehiyo ay pagtataas ng renta ng mga pasilidad na dati’y libre para sa mg mag-aaral ng kolehiyo.

Ganito rin ang naranasan ng mga organisasyon sa Engineering noong nakaraang taon. Siyam na org ang pinagbawalan gamitin ang kanilang tambayan sa loob ng isang linggo. Ngunit dahil sa paggigiit ng mga mag-aaral, nabawi nila ang suspensyon. Ngayon, sama-sama ring kumikilos ang mga mag-aaral ng Maskom.

Nagbibigay ang org ng makulay na kultura sa UP. Palagay ko, marami ang dapat baguhin sa kanila, pero hindi ito nangangahulugang dapat ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan. Higit pa sa tambayan, ang kailangan nila ay pagkilala.

The post Tambay Hours appeared first on Philippine Collegian.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 103

Trending Articles