Nang maupo sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte, tila nagkaroon ng tapang ang Malacañang na pulaan ang Estados Unidos (US). Sa una at pambihirang pagkakataon, iginiit ng pangulo ang isang nagsasariling patakarang panlabas—silahis ng pag-asang makakalaya na ang bayan mula sa dantaong pamamanginoon sa Amerika.
Subalit isang taon makalipas, bahag na ang buntot ng pangulo. Nalusaw na ang pangil ng kanyang mga talumpati, at gumuho na ang kaniyang pamumustura. Isang taon makalipas, muling tumitindig ang sambayanan bitbit ang isang panawagan: biguin ang “rehimeng US-Duterte.”
Pamilyar ang panawagan dahil hindi ito ang unang beses na inilantad ang relasyon ng US at ng administrasyon. Bagaman nakikipag-alyansa si Duterte sa Tsina at Rusya, na parehong banta sa gahum ng US sa Asya-Pasipiko, hindi nito matutumbasan ang isang siglong kasaysayan ng pagkontrol ng US sa neo-kolonya nitong Pilipinas. Tuta nito ang bawat nagdaang administrasyon. Idinikta ng US ang umiiral na “demokrasya” upang maghalal ang sambayanan ng sariling mga pinuno, na silang lilikha ng mga batas at patakarang pabor sa paghahari ng Amerika.
Ngunit hindi lang basta hawak ng US ang pangulo sa kaniyang leeg—may pakinabang para sa dalawang panig ang kanilang pakikipagmabutihan. Habang pinalalakas ni Duterte ang kaniyang militar, puwersa at armas mula US para sa itinatayong diktadura, pagkakataon ng US na supilin ang paglaban ng mamamayan sa malawakang pandarambong ng malalaking kumpanyang Amerikano sa likas na yaman ng bansa.
Kung kaya hindi nakagugulat ang papel ng US sa nagpapatuloy na Batas Militar sa Mindanao. Naging tuntungan ang terorismo sa Marawi upang gawing lehitimo ang pagkalap ng impormasyon ng puwersang US sa lungsod at sa buong rehiyon. Bahagi ito ng ‘War on Terror’ na matagal nang ikinakasa ng US sa mga “terorista” na nasa “order of battle” nito—kabilang ang mga indibidwal at grupong tumututol sa pagpasok ng mga dambuhalang dayuhang kumpanya ng pagmimina, lalo sa Mindanao.
Tulad ng giyera kontra droga, isa itong digmaang ang totoong target ay ang mamamayan, at tila wala itong katapusan. Sa paghuhugas-kamay ni Duterte, sinabi niyang ipinaubaya niya kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ginawang pagpapahintulot sa puwersang US sa Marawi. At ano pa nga ba ang aasahan sa opisyal na ayon mismo sa pangulo ay isang ahente ng Amerika?
Hindi pa man sabihin ng pangulo, nasa direksyon na ni Lorenzana at ng Armed Forces of the Philippines ang mga pangyayari, animo’y mga tutang sabik sa US na kanilang tunay na amo. Anupa’t 258 military exercise ang nakatakdang isagawa ng US at Pilipinas ngayong taon, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Wala rin ni isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US ang napawalang-bisa o tinangka man lang rebisahin sa unang taon ng rehimeng Duterte.
Pinananatili ng tagibang na mga kasunduan tulad ng EDCA at Mutual Defense Treaty ang patuloy na pagsasamantala ng US sa kahinaan ng Pilipinas, mapa-militar o ekonomiya. Pagkakataon sana ang nadiskaril na usapang pangkapayapaan upang isulong ang tunay na pagsasarili ng bansa lalo sa pagpapaunlad ng depensa at industriya nito. Ngunit sa impluwensya ng US, kinitil ni Duterte ang pag-asang ito.
Pamilyar ang panawagan laban sa rehimeng US-Duterte dahil hindi kailanman natigil ang paglaban. Hindi natinag ang protest000a ng mga katutubo laban sa EDCA sa kabila ng marahas na dispersal sa kanila noong nagdaang taon. Tuloy-tuloy din ang pagkilos laban sa mga ugnayang kontrolado ng US, tulad ng ASEAN Meet na gaganapin sa bansa sa Nobyembre, at dadaluhan mismo ni Pangulong Donald Trump.
Pamilyar ang panawagan, dahil patuloy ring nararanasan ang hagupit ng imperyalismong US sa iba pang bahagi ng mundo. At sa nakaambang digmaan sa pagitan ng Amerika at North Korea, may posibilidad na madamay ang maliliit na bansang tulad ng Pilipinas sa bisa ng mga kasunduan at pakikipag-alyansa sa US. Pandaigdigan ang karahasan at pagsasamantala ng US, kaya pandaigdigan din ang paglaban dito.
Hanggang hindi napuputol ang pagkakatali natin sa imperyong US, walang ibang panawagang maririnig sa lansangan kundi ang pamilyar na panawagang pabagsakin ang imperyalismo at ang tuta nito sa Malacanang.
The post Sa kumpas ng imperyo appeared first on Philippine Collegian.