◂Jan Andrei Cobey
Anim na taon na din pala. Naaalala pa din kita kapag umuulan.
Sa totoo lang, nag-exam lang ako noon kasi mag-eexam ka din. At dahil lahat kayo ay mag-eexam din ay nagpasa
ako ng application form. Pero wala talaga sa plano ko ang mag-UP. Wala sa plano ko ang sumama sa mga rally. Wala
sa plano ko ang maging aktibista.
Ang nasa plano ko lang noon ay ang pakasalan ka.
Pero high school pa lang tayo noon at ang alam lang nating pag-ibig ay yung mga nakikita sa TV at mga pelikula.
Linggo noong araw na yun at ihahatid tayo ng papa mo sa Malolos. Sabi sa balita nung gabi bago yung exam ay maaraw daw ang panahon. Kaya kasama ng mga lapis at baon kong tinapay at chichirya, nagdala ako ng payong kasi alam kong mabibilad tayo sa likod ng pick-up ng tatay mo. Ma-traffic papuntang Malolos; siguradong matagal ang byahe.
Habang papunta tayo’y tinanong mo ako kung kinakabahan ba ako. Sumagot ako ng oo. Medyo. Parang. Noong panahon na iyon ng high school life natin ay puno ng alinlangan at, siguro, takot.
Pero high school kasi tayo noon kaya siguro malaki na sa atin ang mga problemang hinaharap natin noon.
Nagsimula yung exam. Nagsagot tayo, at natapos. Tanda ko pa ang mga sirang upuan at tunog ng
naghihingalong mga bentilador ng Bulacan State University. Nang matapos ang exam, makulimlim na ang kalangitan. Bakit uulan, eh, ang sabi sa balita’y maaraw dapat ngayon?
High school pa tayo noon kaya siguro hindi natin batid ang estado ng mga bagay, ang mga kontradiksyong
mas malaki kaysa pagbabago ng panahon.
Pagkatapos ng exam ay nakita kitang tumatawa. Sabi mo’y wala kang naisagot. Tumawa din ako kasi
alam kong babagsak din ako. Saan na tayong kolehiyo parehas na tutuloy ngayon?
Pero high school pa tayo noon at umasa tayo sa mga ideyal, sa mga fairytales, primetime telenovelas at mga librong puno ng undying love at teenage angst.
Umuulan ang byahe pauwi galing Malolos. Pero hindi ko na binuksan ang dala kong payong. Tulad ng apat na taon sa high school, hindi din naman ito magtatagal. Ito’y titila din at kapag umaraw na ay malilimutan mo ring may dumating na ulan. Siguro. Hindi lang natin siguro alam noon pero may darating pang mas malaking mga ulan sa buhay natin.
Pero high school pa tayo noon kaya siguro hindi pa natin alam dati na ako’y isang patak lang sa bagyo ng buhay mo. High school pa tayo noon, kaya siguro hindi natin alam ang gagawin nung ako ay pumasa at ikaw ay hindi.
Tulad noong byaheng pauwi, hindi din naman tayo nagtagal. Tulad nung ulan, lahat ay tumigil din. Tulad ng UPCAT na bawal balikan ang nalagpasang mga subtests, hindi na rin tayo lumingon muli.
Pero high school pa tayo noon kaya siguro nalimutan mo na.
May bago ka nang kasintahan at ako nama’y nakatagpo na rin ng bagong pagmamahal sa piling ng masa. Pero gusto ko lang sabihin na hindi ko pa nakakamilutan, na noong hapon ng Agosto 8, 2011 ay umulan. At kasama kita. ◂
The post Siguro kasi high school pa tayo noon appeared first on Philippine Collegian.