Sheila Abarra
May umangkas na naman daw kagabi. Pagdaan ng dyip sa may sukal, may lumitaw na nakaputing babae sa dulo ng upuan. Nakasanayan na raw iyon ni Tatay—alam na rin niya kung saan nagpapababa. Alam na rin niyang disoras na iyon ng gabi at marahil bunga lang ito ng antok, gutom at pagod.
Napakahirap managinip—gumising si Tatay sa sabi-sabing bawal na raw magpasada ng dyipni. Pihadong mas nakakatakot kumpara sa pasahero niyang white lady. Naipasa na kasi sa kasalukuyang administrasyon ang “jeepney modernization program” mula pa sa administrasyong Aquino.
Hindi rin talaga maintindihan ni Tatay kung bakit—namana pa niya kay lolo ‘yung dyip namin at maayos pa itong tumatakbo. Hindi niya rin mapatakbo sa isip kung bakit mas gugustuhin niyang magkautang ng halagang 1.6 milyong piso para sa makabagong electronic-jeep o e-jeep. Tunay na nga bang kinakalawang ang Tatay?
Naging mabilis ang tugon ng kasama niyang mamasada na si Ka Marino tungkol dito. Nakadalo kasi siya sa isinagawang pagkilos sa Maynila para tutulan ito. Naiwan siya sa byahe paparoon dahil hindi siya kaagad naka-oo.
Hindi rin niya kasi alam ang kabuuan ng istorya. Punung-puno na ang araw niya mula sa kawalan ng oras para mananghalian, hanggang matusta sa init ng makina, lahat—walang bayani sa ganitong larangan—susuklian pa ng kulang na bayad, kotong ng rumoronda, tumal ng kita.
At higit: sino ba ang walang hangad makarating sa tamang oras? Oras na raw upang kumawala sa kumbensyon at sumulong ngunit, hindi nais makabangga at mabangga ni Tatay. Oras na upang sumali sa tigil-pasada at sa protestang kakabit nito.
Ito na ang panahon ng paggising. Gigising nang maaga ang babae papasok sa kaniyang pinapasukang pabrika bitbit ang bag at problema ng kawalan ng kwartang pangmatrikula. Gigising silang araw-araw sinasagasaan ng hindi matapus-tapos na trapiko at kawalan ng maayos na serbisyo-publiko.
Ito na ang oras para ikondisyon ang makina ng dyip sa pamamagitan ng pagrerebolusyon. Ito na ang oras para sugpuin ang makinarya ng administrasyon na nagsusulong ng kaisipang perwisyo ang mga dyipni, na isa itong lumang pamamaraan ng tranportasyon, na ito ang pangunahing sanhi ng lumalalang trapiko.
Dalawang porsyento lamang ng lahat ng sasakyan sa bansa ang mga dyip. Ang mga malalaking kompanya at korporasyon ang bumubuo sa malaking bahagi ng lahat ng sasakyan sa bansa, ang siyang makikinabang sa paglulunsad ng e-jeeps—sila ang tutustos sa programang ito. Ang monopolyong ito mula sa malalaking korporasyon ay magbubunga ng pagtaas din ng pamasahe patungong bente.
Ang mga dapat alisin at palitan, ang mga bagay na bumabangga sa interes at pangangailangan ng kapwa-mamamayan. Ang mga dapat panatilihin at ayusin, ang mga bagay na humuhulma sa kultura ng masa, mapa-probinsya man o siyudad.
Si Tatay ang umangkas nang araw na iyon. Pagdaan nila sa nakapapasong aspalto, lumitaw ang babae, estudyante, mangagawa—lahat, maging ang multo at iba pa niyang kinatatakutan sa tuwing siya’y namamasada. Huminto ang lahat upang mapakinggan ang kanilang hinaing sa likod ng busina.
The post Angkas appeared first on Philippine Collegian.